Naglaan ng libreng sakay ang Manila Police District o MPD at National Capital Region Police Office para sa mga commuter na maaapektuhan ng dalawang araw na transport strike ngayong Nobyembre 23 at 24.
Ayon sa MPD, layunin nitong matulungan ang mga pasaherong posibleng mahirapang makasakay dahil sa tigil-pasada ng transport group na MANIBELA.
Kabilang sa mga itinakdang ruta at pick-up point ang Juan Luna Street, Road 10 sa Moriones, Rizal Avenue hanggang Aurora Boulevard, Pedro Gil at San Gregorio Street sa Paco, gayundin ang P. Burgos hanggang Muralla Street.
Mayroon ding libreng sakay sa bahagi ng Tayuman, Tondo, San Andres Bukid, Pandacan, Binondo, Quiapo, Baseco sa Port Area at malapit sa Manila City Hall.
Kasama rin sa mga lugar na paglilingkuran ang Rizal Avenue mula Abad Santos hanggang Blumentritt, gayundin ang West Zamora sa Pandacan hanggang Robinson Otis sa Paco.
Samantala, mahigit anim na libong pulis ang nakatakdang i-deploy ng NCRPO sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang umalalay sa mga commuter, magbantay sa seguridad at tumulong sa daloy ng trapiko.
Pinayuhan ang publiko na sumangguni sa opisyal na listahan ng mga ruta at pick-up point na inilabas ng MPD upang malaman kung saan maaaring makasakay nang libre.
