Photo courtesy of Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim's official Facebook Page
Magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng Malaysia sa military-backed government ng Myanmar para sa pagpapauwi ng mga refugee.
Ito ang binigyang-diin ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim nitong Martes ilang araw matapos maglabas ng hatol ang International Court of Justice na nagkaroon ng state-sponsored genocide ang militar ng Myanmar laban sa Rohingya Muslim minority noong 2017.
Ayon kay Anwar, ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa Myanmar ay bahagi ng pagsiguro sa interes ng Malaysia at pagtiyak sa kaligtasan at marangal na pagpapabalik sa mga refugee.
Bagaman kinikilala nila na marami sa asylum-seekers ay biktima ng karahasan mula sa rehimen sa Myanmar, hindi na aniya kaya ng Malaysia ang pagkupkop sa mga ito.
Tiniyak din ng opisyal na hindi inaabandona ng Kuala Lumpur ang prinsipyo sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mamamayan ng Myanmar at nananatiling suportado nito ang planong pangkapayapaan sa pagitan ng military-backed government ng Myanmar at ASEAN.
Matagal nang suliranin ng Malaysia ang libo-libong refugee na karamihan ay mula sa Myanmar.
Mula Enero ay nakapagpauwi na ang Kuala Lumpur ng lampas 10,000 mamamayan mula sa Myanmar at plano pa itong dagdagan ngayong Disyembre.