Nakipagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa iba’t ibang shopping mall operators upang talakayin ang mga hakbang para matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa Metro Manila ngayong nalalapit na Pasko.
Inilatag ni MMDA Traffic Discipline Office Director Atty. Victor Nuñez ang traffic management measures na ipatutupad nila partikular na sa mga pangunahing kalsada at lugar sa paligid sa mga shopping mall.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Don Artes, bukas ang mga mall mula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi simula November 16, 2026 hanggang December 25, 2026, mismong araw ng Pasko, maliban kung weekends at holidays.
Lilimitahan din ang delivery operations mula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling-araw, maliban sa paghahatid ng perishable goods gaya ng pagkain at yelo.
Inatasan din ang mall operators na magsumite ng kani-kanilang traffic management plan sa MMDA, 2 linggo bago ang nakatakda nilang mall sales gayundin ng promotional events at papayagan lamang ang mall-wide sales tuwing weekends.
Maaari namang magsagawa ng sale ang mga indibidwal na outlets sa loob ng mga mall tuwing weekdays, basta’t walang anunsyo, advertisement, o tarpaulin na gagawin para rito.
Mananatili naman sa kanilang regular business hours at hindi sakop ng itinakdang operating hours adjustment ang mga restaurant, supermarket, at government services na matatagpuan sa loob ng mga mall
Bibigyan ng pagkakataon ang mga sinehan na magbukas nang mas maaga sa December 25, 2026, upang mas matugunan ang inaasahang pagdami ng mga manonood ng sine sa mismong araw ng Pasko.
