Nangako ng suporta si Albay 3rd District Representative Adrian Salceda sa isang community-based organization na tumutulong sa mga kababaihan at pamilyang magsasaka sa Ligao City.
Ito ay ang Empowering Rural Mothers and Nurturing Agriculture Sustainability (ERMaNAS) na naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga kababaihan at seguridad sa pagkain sa mga komunidad.
Sa kasalukuyan, mayroon itong halos 5,000 miyembro mula sa 52 sa 55 barangay ng Ligao City.
Kabilang sa mga programa nito ang pagsasanay sa agrikultura, livelihood assistance, community gardening, at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga kababaihan bilang lider sa kanilang komunidad.
Binigyang-diin ni Salceda na mahalagang masuportahan ang mga rural women dahil malaking bahagi sila ng produksyon ng pagkain at karagdagang kita ng kanilang mga pamilya.
Nangako rin ang kongresista na tutulungan ang organisasyon na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan para mapalawak ang kanilang mga programa.
Target naman ng ERMaNAS na palawakin ang operasyon nito sa iba pang komunidad sa Albay, kabilang ang bayan ng Pio Duran.