📷PNA
Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga motorista na iulat ang mga kumpanya ng langis at gasolinahan na hindi nagpapatupad ng ipinag-uutos na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa ahensya, maaaring ituring na labag sa batas na manipulasyon sa presyo ang hindi pagsunod sa oil rollback.
Ipinaliwanag ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na ang mga punong tanggapan o head office ng mga kumpanya ng langis ang pangunahing naatasang mag-abiso sa kanilang mga sangay o downline gasoline station network upang maipatupad ang mga itinakdang bawas-presyo.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ang ahensya ng mga biglaang inspeksyon o random inspections sa iba’t ibang gasolinahan upang matiyak ang mahigpit na pagsunod.
Payo ng DOE sa publiko, agad na iulat ang mga kahina-hinala o lumalabag na gasolinahan sa pamamagitan ng 8888 complaint hotline at ang feature na “Gas Station Concerns” sa opisyal na eGovPH app.
“Pag ikaw ay na-timing o natsambahan na doon sa random inspection, ikaw ‘yung na-inspect namin, ikaw ho ang masa-subject sa show cause [order] at the same time, ma-pe-penalize po kayo kung hindi niyo madepensahan bakit hindi niyo sinunod ‘yung mandated adjustment,” ani Abad.
Payo ng DOE sa publiko, agad na iulat ang mga kahina-hinala o lumalabag na gasolinahan sa pamamagitan ng 8888 complaint hotline at ang feature na “Gas Station Concerns” sa opisyal na eGovPH app.
“Ang mga ganitong klaseng complaint ang talagang inuuna ng department namin para gawan ng inspection,” giit ni Abad.
Matatandaang nagpatupad ang ahensya ng malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo bunsod ng inaasahang pagbuti ng sitwasyon sa usapang pangkapayapaan sa gitna ng sigalot sa US-Iran at resulta ng US midterm elections.
Kabilang dito ang malalaking tapyas sa:
Gasolina: ₱16.80 bawat litro
Diesel: ₱4.10 bawat litro
Kerosene: ₱3.70 bawat litro
Tiniyak naman ng DOE na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa bansa, na may katumbas na halos 50 araw para sa liquid fuel at halos 30 araw para naman sa LPG.