Muling humirit si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno para sa agarang pagpasa ng panukalang batas na maglalagay ng mas mahigpit na proteksyon laban sa karahasan na may kinalaman sa baril sa mga paaralan.
Ito ay kasunod ng paunang pagtalakay ng House Committee on Public Order and Safety sa House Bill 10058 o Child Safety Against Gun Violence Act.
Layunin ng panukala na pigilan ang mga menor de edad na magkaroon ng access sa mga baril at panagutin ang mga magulang o may-ari ng baril na mapapatunayang nagpabaya.
Kabilang sa mga probisyon nito ang mandatory safe keeping ng mga baril sa mga tahanang may mga bata at pagtatalaga sa mga paaralan at 100 metrong paligid nito bilang gun-free school zones.
Nais din nitong palakasin ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng School Safety Officers at pagbuo ng mga emergency response plan.
Paalala niya na hindi dapat maging bahagi ng karanasan ng mga bata sa paaralan ang takot sa halip na maging ligtas na lugar para sa pag-aaral.
“Hindi sapat na may batas tayo tungkol sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril. Kailangan din nating tiyakin na hindi ito basta-bastang maaabot, magagamit, o mapapasakamay ng mga bata…Our children deserve classrooms, not crime scenes. They deserve protection, not fear,” saad niya | ulat ni Kathleen Forbes