Magde-deploy ang Philippine Coast Guard ng pitong barko para tiyakin ang seguridad sa katubigan ng Manila Bay kaugnay ng gaganaping 49th ASEAN Summit sa susunod na linggo.
Ayon kay Coast Guard Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, kabilang sa ide-deploy ang tatlong malalaking barko o capital ships, gayundin ang mga small boat upang matiyak ang seguridad sa karagatan.
Ipupuwesto ang mga barko mula sa Manila Bay hanggang sa Philippine International Convention Center o PICC, kung saan gaganapin ang summit, para matiyak ang kaligtasan ng mga delegado.
Nakahanda rin ang mga K9 team at tauhan ng PCG Security Force, katuwang ang Philippine National Police, para sa maayos at mapayapang pagsasagawa ng aktibidad.
Tiniyak naman ng PCG na magpapatuloy nang normal ang operasyon ng mga sasakyang pandagat sa Manila Bay. Kasabay nito, paiigtingin din ang maritime safety measures, kabilang ang pre-departure inspection sa lahat ng barkong bibiyahe mula sa mga pantalan habang isinasagawa ang summit.