Lalo lamang umanong pinalakas ng testigo ng depensa na si Atty. Suzette Punay ang posisyon ng House Prosecution Panel na mayroong business interest si Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries.
Sa panayam ng Pulong Balitaan, sinabi ni House Prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua na akala pa nga niya ay testigo ng prosekusyon ang kanilang kaharap dahil sa mga naging pahayag nito tungkol sa umano’y pagtanggap ng Bise Presidente ng buwanang bayad mula sa kumpanya.
Ayon kay Chua, sa una ay iginiit ni Punay na walang stockholding interest o investment si VP Sara sa GenCorp, ngunit kalaunan ay binanggit nito ang tinatawag na loose investment at pagbabalik umano ng puhunan na dalawang milyong piso.
Kinuwestiyon ng mambabatas kung paano nagkaroon ng return on investment kung wala namang naitalang investment o kontribusyon ang Bise Presidente sa kumpanya.
Nagpasalamat naman si House Prosecution spokesperson at Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto-Adiong sa naging testimonya ni Punay dahil lalo lamang umano nitong pinagtibay ang kanilang alegasyon na may business interest si VP Sara sa GenCorp.
Giit ni Adiong, lumabas mismo sa pahayag ng testigo na may natatanggap na bayad ang Bise Presidente mula sa kumpanya, taliwas sa iginiit ng depensa na wala itong investment dito. Dahil dito, sinabi ng prosekusyon na sa halip na mapabulaanan ang kanilang mga ebidensiya, lalo pang nagbukas ng mga katanungan ang testimonya ng sariling testigo ng depensa.