Muling nagbukas ang pagkakataon para sa diplomatikong solusyon sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine matapos magsagawa ng panibagong pag-uusap ang dalawang bansa sa pamamagitan ng Estados Unidos.
Nagharap ang mga opisyal ng Moscow at Kyiv sa Abu Dhabi, United Arab Emirates nitong Martes sa pangunguna ng mga kinatawan ni U.S. President Donald Trump na sina Steve Witkoff at Jared Kushner.
Ayon kay U.S. Secretary of State Marco Rubio, naging produktibo ang unang araw ng talakayan.
Inilarawan naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang pagpupulong bilang makabuluhan partikular sa usapin ng seguridad at makataong hakbang.
Kabilang sa mga pangunahing usapin ang pagpapalaya sa mga bilanggo at pagbibigay ng pangmatagalang garantiya sa seguridad ng Ukraine.
Gayunman, nananatiling malaki ang pagkakaiba ng posisyon ng dalawang panig, partikular sa usapin ng teritoryo at ang posibleng pagiging kasapi ng Ukraine sa NATO.
Inaasahang magpapatuloy ang negosasyon habang patuloy ang labanan sa magkabilang panig.