Pinalalakas ng Pilipinas ang pagsisikap na makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan at mapalawak ang merkado ng mga produktong lokal sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Sa kanyang mga pahayag sa 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa Maynila, sinabi ni Trade Secretary Maria Cristina Roque na nananatiling bukas ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa foreign trade at international investments.
Ayon kay Roque, tumaas ng 104% ang investments na naitala ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), habang 21% naman ang itinaas sa Board of Investments (BOI) mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.
Ipinagmalaki rin ng kalihim ang paglago ng exports ng bansa, kabilang ang mga semiconductor, electronics, automotive parts, at produktong agrikultural gaya ng niyog, calamansi, pinya, saging, at ube.
Ibinida rin niya ang pagsusulong ng Pilipinas ng mga free trade agreement sa European Union at iba pang mga bansa upang mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga lokal na negosyo.
Dagdag pa ni Roque, kabilang din sa mga pangunahing hakbang ang Digital Economy Framework Agreement (DEFA) na inaasahang lalagdaan sa November 14. Layunin nitong tulungan ang mga micro, small, and medium enterprises na maibenta ang kanilang produkto sa mas malawak na merkado sa buong ASEAN.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas maraming negosyong Pilipino ang makikinabang sa lumalawak na oportunidad sa rehiyon.