Naniniwala si House prosecutor Terry Ridon na nagimbal ng prosekusyon ang defense panel sa naging cross-examination kay Davao City Accountant Vingelin Bajan.
Partikular dito nang tukuyin ng prosekusyon ang koneksyon ni Bajan sa accounting firm na nagsilbing external auditor ng mga kumpanyang iniuugnay sa bise presidente, gaya ng GenCorp Industries at Metro City Chow Foods.
Layunin aniya ng pagtatanong na subukan ang kredibilidad ng testigo at alamin kung may posibleng conflict of interest.
Gayunman, aminado si Ridon na maging ang prosekusyon ay hindi rin kayang mahulaan ang lahat ng posibleng itanong ng kabilang panig sa kanilang mga testigo.
Kaya naman hindi maaaring sabihing hindi nakapaghanda ang depensa sa pagtatanong.
Ipinaubaya rin ni Ridon sa publiko at mga senator-judge ang paghusga kung naging epektibo ang kanilang cross-examination.