Hinimok ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang mga residente at opisyal ng barangay na maghanda nang maaga sa Super El Niño, na inaasahang magdadala ng tagtuyot sa Metro Manila simula sa Enero.
Ibinahagi ni Vargas, na namumuno sa Committee on Disaster Risk Reduction ng Sangguniang Panlungsod, ang mga ulat mula sa United Nations at PAGASA na nagpapakitang lalawak ang tagtuyot sa buong Luzon, kabilang ang National Capital Region, sa mga susunod na buwan. Posible itong makaapekto sa suplay ng tubig, pagkain, at kuryente.
“Sinasabi po natin ito sa publiko hindi para manakot, kundi para makapaghanda tayo ng maaga at hindi mabigla sa maaaring epekto ng Super El Niño,” ani Vargas.
Para maprotektahan ang mga pamilya sa problemang pangkalusugan dulot ng matinding init, pinayuhan nito ang mga residente na dalasan ang pag-inom tubig, magsuot ng preskong damit, gumamit ng payong o sumbrero kapag nasa labas, at iwasan ang mabibigat na gawain sa mga oras na pinakamainit.
Ayon kay Vargas, dapat ding mag-imbak ang mga pamilya ng sapat na inuming tubig kung sakaling magkaroon ng mga pagkaantala sa serbisyo, iwasan ang panic buying, at huwag i-overload ang mga saksakan dahil inaasahang tataas ang pangangailangan sa kuryente.
Nanawagan din si Vargas ng espesyal na pag-aalaga sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs). Hinikayat niya ang mga pamilya at tagapag-alaga na dalhin sila sa maaliwalas na bahagi ng bahay, painumin ng tubig nang madalas, at kumunsulta sa mga doktor kung makaaapekto ang init sa kanilang mga gamot.