Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko hinggil sa kanilang kooperasyon para sa hosting ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Meetings.
Sa panayam ng programang Boses, sinabi ni NCRPO Spokesperson and Public Information Office Chief Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo na malaking bahagi ng pagtatagumpay ng ASEAN hosting ang kooperasyon at partisipasyon ng publiko sa security protocols.
Kaya naman payo ng NCRPO, na kung wala namang mahalagang gagawin ay manatili na lang sa mga bahay lalo’t wala namang pasok ang mga paaralan at ilang tanggapan dahil sa gaganaping ASEAN Summit.
Maaga namang humingi ng paumanhin ang NCRPO sa mga maaabala dahil sa mas mahigpit na security protocols at traffic rerouting dahil sa mga gaganaping ASEAN meetings and events.
Pagtitiyak naman ni Asilo, na hindi lang kapakanan ng mga world leaders, delegado, at dignitaries ang tinututukan ng Pambansang Pulisya kundi maging ang kaligtasan ng publiko.