Pinaiigting pa ngayon ng Office of Civil Defense (OCD) ang iba’t ibang uri ng help mechanisms sakaling tumama ang isang kalamidad o sakuna partikular ang bagyo, lindol, at tsunami.
Sa panayam ng PTV kay OCD Spokesperson Junie Castillo ilan sa mga ipinatutupad ng ibang bansa tulad ng Japan ay ang self-help mechanism kung saan tinuturuan ang mga sibilyan at residente, kung ano ang mga unang dapat gawin at ikonsidera sakaling malagay sa sitwasyon sakaling tamaan sila ng kalamidad.
Agad itong susundan ng mutual help o paghingi ng tulong sa iba pang tao o ang pagbibigay naman ng tulong sa komunidad at kapitbahayan.
At susundan naman ito ng public help na kumakatawan naman sa pagtulong at responde ng gobyerno, at iba pang stakeholders.
Kinikilala rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ayon kay Castillo ang malaking parte ng lokal na pamahalaan sa disaster response, kaya naman pinagtuunan na rin ng national government ang paglalaan ng Disaster Rehabilitation and Recovery Assistance Program (DRRAP) Fund.
Gayundin ang pagtatayo ng mga Ligtas Pinoy Evacuation center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.