Umapela si ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio sa Department of Budget and Management (DBM) na luwagan ang mga rekisito sa pagbibigay ng gratuity pay sa mga job order (JO) at contract of service (COS) workers.
Ayon kay Tinio, hindi makatarungan ang probisyon sa Administrative Order No. 39 na nag-aatas na dapat epektibo pa ang kontrata ng mga manggagawa pagsapit ng December 15 upang maging kuwalipikado sa benepisyo.
Partikular na apektado nito ang mga faculty personnel sa state universities and colleges na naka-kontrata lamang kada semestre batay sa academic calendar.
Dahil dito, hindi sila nakatatanggap ng gratuity pay kahit nakumpleto nila ang isang semestre o buong academic year na serbisyo.
Giit ni Tinio, hindi dapat maging batayan ang petsa ng pagtatapos ng kontrata para matanggap ang benepisyong nararapat sa kanila.
Hiniling nito kay DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon na amyendahan ang polisiya upang maisama ang mga manggagawang nakatupad sa minimum na haba ng serbisyo sa loob ng fiscal year.