Hindi napigilan ng ilang senator-judges ang pagpapahayag ng inis sa testigo ng Depensa na si Davao City Accountant Vingelin Bajan dahil sa mabagal at paligoy ligoy nitong pagsagot sa mga tanong tungkol sa dati niyang pagiging bahagi ng isang accounting firm.
Sa impeachment trial, tinanong siya ng Prosecution lawyer na si Atty. Mae Divinagracia kung naging bahagi siya ng accounting firm na Ampil, Elises, Ciudadano and Co. noong 2003.
Umabot ng ilang minuto bago kinumpirma ni Bajan kung kaniya ang Tax Identification Number at lagda na nakalagay sa Articles of Partnership ng kompanya.
Paulit-ulit din niyang sinabing wala siyang maalala habang sinusuri ang mga pahina ng dokumento.
Dahil dito, iminungkahi na ni Senator-Judge Raffy Tulfo na dapat nang magkaroon ng testigong ma-cite in contempt para magsilbing babala at matutong gumalang sa Impeachment Court.
Ayon kay Tulfo, kung patawa-tawa ang naunang testigo noong Lunes, ngayon naman ay napaka-evasive o umiiwas sumagot si Bajan at tila nagmamaang-maangan.
Muntik na ring maubos ang pasensya ni Presiding Officer Chiz Escudero sa tagal ng pagsagot ng testigo.
Iginiit naman ni Senator-Judge Kiko Pangilinan na simpleng Oo o Hindi lang ang hinihinging sagot ni Bajan, kaya hindi katanggap-tanggap ang ilang minutong pag-iwas nito sa tanong.
Kalaunan, kinumpirma rin ni Bajan na kaniya ang Tax Identification Number at lagda sa dokumento, bagaman hindi niya umano maalala kung bakit siya lumagda rito.