Lumikha ng kaliwa’t kanang oportunidad ang mga ginawang paghahanda ng pamahalaan para sa ika-49 na ASEAN Summit.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong taon lamang, mula sa higit 400 pulong, pinakinabangan na ito ng mga local business, nagsilbing daan para sa paglago ng ilang industriya, lalo na itong mayroong kinalaman hospitality, transportation, food, tourism, at creative services.
“Itong taon lamang na ito, dahil sa mga summit at related meetings na naganap sa buong bansa, bumuhos ang trabaho para sa ating mga local industries o MSME, mga maghahabi, mananahi, at mga designer na pinamalas ang kagandahan ng kasuotan natin, mga artista, mang-aawit, dancer, director at mga creative industry na bumubuo ng mga programa natin,” — Pangulong Marcos.
Ang mga high-level at preparatory meetings aniya na dinaluhan ng mga opisyal at delegado mula sa 11 ASEAN member states, nangailangan ng locally produced goods at services.
Kabilang sa mga nakinabang sa mga aktibida na ito ay ang Filipino weavers, garment makers, fashion designers, performers, at production workers.
“Kasama dyan ang buong produksyon, makeup artist, set designer, lighting at sound technician, writer, at maraming-marami pang iba. Ang mga culinary experts at local food manufacturers naman, dried mango man ‘yan, kornik o tsokolate.” — Pangulong Marcos.
Ang domestic food manufacturers at culinary businesses, nakinabang rin dahil sa demand sa Filipino products, kabilang ang dried mangoes, cornick, chocolates, at iba pang local delicacies na itinampok sa ASEAN activities.
Sabi ng pangulo, partikular na pinili at hinanap ang mga produktong ito, upang maipamalas sa mga dayuhang bisita ang Filipino craftsmanship at talento ng bansa.
“Sila ay talagang hinahanap at metikulosong pinili para maipakita ang galing ng Pilipino” — Pangulong Marcos.