Nakahandang tumugon ang Philippine National Police (PNP) sa anumang ikakasang pagkilos ng iba’t ibang grupo na posibleng makagambala sa pagdaraos ng 49th ASEAN Summit and Related Summits sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr na mahigpit ang kaniyang atas sa mga tauhan ng pulisya na pairalin ang maximum tolerance sa sandaling idaos ang mga kilos-protesta.
Hiling ni Nartatez sa mga grupong nagbabalak magsagawa ng mga pagkilos na sundin ang panawagan ng ASEAN Organizing Council na ipagpaliban na lamang ang kanilang mga aktibidad pagkatapos ng summit bilang paggalang sa mga dayuhang bisita.
Kasunod ito ng final review sa security preparations at inspeksyon sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad, kung saan tinalakay din ang traffic management, threat assessment at koordinasyon ng mga ahensiya.
Tiniyak ng PNP na nakalatag na ang mga hakbang para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng Summit.