Handang-handa na ang lahat ng paliparan sa bansa para sa pag-arangkada ng 49th ASEAN Summit at pagdating ng mga world leader, dignitaries at delegado sa Pilipinas.
Sa panayam ng PTV kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Public Information Officer Bea Bernardo kasado na ang security protocol ng CAAP sa mga paliparan gayundin nakahanda ang CAAP para sa lahat ng rescheduled, delayed at redirected flights na maaapektuhan ng ASEAN Summit.
Kasama pa rin sa mga options para sa lahat ng apektadong pasahero ang rebooking ng flight, full refund, o ‘di kaya ay maging travel credit ito.
Pagtitiyak ng CAAP na handa silang tumulong sa lahat ng maaapektuhang pasahero anoman ang kanilang airline provider.
Pagdating sa pangamba ng ilan na sila ay hindi maabisuhan, giit ng CAAP na posted na sa social media page ng Department of Transportation at CAAP ang mga flights na apektado ng gaganaping ASEAN Summit sa bansa.
Kaya payo ng CAAP na bago magpunta sa mga paliparan ay tiyaking bisitahin ang page ng DOTr o di kaya’y makipag-ugnayan sa kanilang airline provider.
Aktibo rin ang airport helpdesk ng CAAP na handang umasiste sa pangangailangan ng mga pasahero.