Photo courtesy of DSWD
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga apektadong vendor sa Pasay at Parañaque dahil sa gaganaping ASEAN Summit.
Sa panayam ng PTV kay DSWD Spokesperson, Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi niyang nabigyan na ng tulong ang nasa 30 eatery workers sa kahabaan ng Diokno Boulevard sa Pasay City kung saan nabigyan sila ng ₱10,000 bawat isa at family food pack.
Ito’y bilang pantawid tulong habang pansamantalang hindi makakapag-operate ang kanilang mga kabuhayan.
Napaabutan na rin ng tulong ng DSWD ang ilan pang mga apektadong manggagawa at negosyo sa Macapagal Boulevard ng kaparehong benepisyong ibinigay sa mga vendor sa Diokno Boulevard.
Nakikipag-ugnayan na rin sa lokal na pamahalaan ng Pasay at Parañaque ang DSWD upang matukoy ang iba pang apektado ang kabuhayan dahil sa ilalatag na kordon ng seguridad sa gaganaping ASEAN Summit.
Dagdag ng DSWD na dumaan sa masusing evaluation ang mga nakatanggap ng tulong na totoong nasa balag ng alanganin ang kabuhayan dahil sa pansamantalang pagtigil ng kanilang operasyon.