Nagbabala ang Department of Finance-Revenue Integrity Protection Service o DOF-RIPS, sa mahigpit na ipinapatupad ang pananagutan sa gobyerno.
Ito ay matapos paboran ng CSC National Capital Region ang reklamong inihain ng ahensya laban sa isang tauhan ng Customs dahil sa hindi nito paghahain ng Sworn Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN dalawampu’t isang taon na ang nakararaan.
Batay sa desisyon, ibinasura ng komisyon ang depensa ng empleyado na nawala o nagkaaberya ang mga rekord, dahil bigo itong magpakita ng matibay na ebidensya laban sa mga opisyal na sertipikasyon mula mismo sa BOC, CSC, at Office of the Ombudsman.
Dahil dito, ipinataw sa kawani ang suspensyong tatlong buwan at isang araw—ang karaniwang parusa sa unang paglabag sa ilalim ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Iginiit ng DOF na ang pagsusumite ng SALN ay mahalagang pananggalang laban sa korapsyon at ilegal na pagpayaman, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang integridad at pananagutan sa serbisyo-publiko. | via Melany Reyes