Naging sentro ng ika-42 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang “loose investment” nito sa GenCorp Industries Inc., kung saan nakatanggap siya ng ₱2.14 milyong bayad kahit hindi nakatala bilang stockholder ng kompanya sa mga corporate records.
Sa testimonya ng testigo ng depensa na si Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp at Metro City Chow Foods Corporation, sinabi nitong nagmula ang naturang interes sa investment ni VP Sara sa Davao Bounty Times Corporation, na nagpatakbo ng Jollibee Times Square sa Davao City.
Gayunman, hindi aniya nabigyan ng prangkisa ang naturang branch at nasa ilalim ito ng Great Jolly Times Food Corporation na kalauna’y naging GenCorp.
Hindi naman naipaliwanag ni Punay kung bakit GenCorp ang nagbayad kay VP Sara ng mahigit dalawang milyong piso mula 2022 hanggang 2025, gayong sa Davao Bounty Times Corporation inilagak ang orihinal nitong investment.
Dahil dito, nagpasya si Impeachment Court Presiding Officer Senator Chiz Escudero na magpalabas ng subpoena para sa karagdagang dokumentong magbibigay-katwiran sa naturang mga bayad.
Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na lumilitaw ang posibleng conflict of interest dahil nagbayad ang GenCorp kay Duterte habang nakakuha rin ito ng ₱33 milyong halaga ng mga kontrata sa Davao City government na pinamumunuan ng kapatid nitong si Mayor Sebastian Duterte.
Iginiit naman ni Punay na hindi niya nakitang nakikilahok si VP Sara sa mga pulong, operasyon o pamamahala ng Metro City Chow, kahit nakatala ito bilang direktor at miyembro ng compensation committee sa General Information Sheets ng kompanya mula 2022 hanggang 2025.
Sa kabilang banda, sinabi ni Punay na hindi niya responsibilidad na baguhin ang corporate records ng GenCorp dahil lamang idineklara ng bise presidente sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na stockholder siya ng kompanya.
Nauna nang sinabi ni Punay na hindi nakatala si Duterte bilang stockholder ng GenCorp sa mga corporate records nito. | ulat ni Nimfa Asuncion