Hinimok ng Department of Health (DOH) ang Kongreso na ipasa ang Sin Tax reform upang mabawasan ang pagkonsumo ng mga produktong nakapipinsala sa kalusugan.
Ayon sa DOH, noncommunicable diseases o mga sakit na hindi nakakahawa ang sanhi ng pito sa bawat 10 pagkamatay ng mga Pilipino. Marami sa mga ito ang maaari sanang maiwasan.
Batay sa mga bilang na inilabas ng ahensya, mahigit 95,000 ang namamatay kada taon dahil sa paggamit ng tabako, habang humigit-kumulang 27,000 ang namamatay dahil sa labis na pag-inom ng alak.
Halos 4,000 pagkamatay naman ang iniuugnay sa pagkonsumo ng mga inuming mataas sa asukal.
Giit ng DOH, makatutulong ang mas mataas na buwis sa mga naturang produkto upang mabawasan ang pagkonsumo, maiwasan ang maagang pagkamatay at masuportahan ang pondo para sa Universal Health Care.