Photo courtesy of DOJ
Nakipagdayalogo ang Department of Justice o DOJ sa mga lider ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM at mga lokal na opisyal upang mailapit ang serbisyo ng hustisya sa malalayong komunidad.
Pinangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang pulong sa General Santos City.
Kabilang sa mga inilatag na pangangailangan ang pagkakaroon ng special provincial prosecutor para sa walong bayan ng Special Geographic Area ng BARMM.
Hiniling din ang pagtatayo ng NBI clearance office sa isang liblib na lugar. Nangako naman si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na maibibigay ang hinihinging serbisyo.
Binigyang-diin ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang kahalagahan ng madaling paglapit sa hustisya upang matugunan ang mga problemang nag-aambag sa kaguluhan at insurgency.
Tinalakay rin ang pagpapatuloy ng amnesty program, pagpapahusay ng koordinasyon sa imbestigasyon, at pagtugon sa ilegal na droga, smuggling, illegal mining at human trafficking.
Tiniyak ni Vida na mananatiling bukas ang komunikasyon ng DOJ sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.