Personal na humingi ng paumanhin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa nasa 54 vendors at indibidwal na pansamantalang mawawalan ng pagkakakitaan dahil sa pagsasara ng kanilang mga negosyo at pwesto sa Pasay City bunsod ng paghahanda para sa 2026 ASEAN Summit.
Bumisita ang kalihim sa isinagawamg distribusyon ng tulong sa mga apektadong vendors sa Andres Bonifacio Elementary School sa Pasay City.
Ayon sa DSWD, tumanggap ng tig-₱10,000 cash aid ang 54 vendors para matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang hindi pa sila makabalik sa kanilang pagnenegosyo.
Bukod sa cash assistance, nagbigay rin ang Kagawaran ng family food packs (FFPs) bilang karagdagang suporta.
Nauna nang namahagi ng tulong ang DSWD sa iba pang apektadong vendors sa lugar noong linggo, November 8.
Samantala, ipagpapatuloy ng DSWD ang pamamahagi ng cash aid ngayong Huwebes at Biyernes para sa iba pang vendors at indibidwal na maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng kanilang mga puwesto.
Bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na matiyak na may suportang matatanggap ang mga pamilyang maaapektuhan ng mahalagang pambansang aktibidad.


