Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 11602 na naglalayong magtatag ng iisang flood control at drainage system master plan para sa Metro Manila.
Sa sponsorship speech ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio, binigyang-diin nitong pira-piraso, magkakahiwalay, at lipas na ang maraming flood control at drainage plan sa Metro Manila.
Ayon sa kongresista, hindi na sapat ang kasalukuyang mga sistema upang tugunan ang lumalalang pagbaha bunsod ng climate change at patuloy na urban development.
Dahil dito, kailangan aniyang magkaroon ng komprehensibo at science-based na master plan na mag-uugnay sa mga programa at proyekto ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Layunin din ng panukala na palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang kontra-baha.
Diin ni Asistio, hindi kinikilala ng tubig-baha ang mga hangganan ng mga lungsod kaya hindi rin dapat magkakahiwalay ang pagtugon dito.
Sa pamamagitan ng panukala, inaasahang magkakaroon ng mas magkakaugnay at pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Metro Manila.