Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang Korean national at ang kanyang live-in partner matapos silang mahuli sa aktong pangingikil.
Kasunod ito ng ikinasang law enforcement operation ng mga awtoridad sa Brgy. Cutcut, Angeles City sa Pampanga, kamakailan.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jin,” at ang kanyang kinasama na si “Lyn,” na kapwa nahaharap sa kasong Robbery-Extortion na may kaugnayan sa Article 315 ng Revised Penal Code o Estafa.
Inaresto ang dalawa matapos positibong tanggapin mula sa bikitma ang hinihinging ₱1.6 milyong kapalit ang pagpapalaya sa apat na Korean national na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa ulat, naaresto ang apat na Koreano noong September 2026 sa bisa ng Red Notice at ikinulong sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Oktubre ng taong ito, nakipag-ugnayan si “Jin” sa mga kaibigan ng mga nakadetineng Koreano at nangakong ipoproseso umano ang pagpapalaya sa mga ito gamit diumano ang kanyang mga koneksyon.
Humingi ang suspek ng kabuuang ₱4,000,000 para sa diumano’y piyansa, processing fees, at iba pang gastusin na agad namang binayaran ng mga kaibigan ng mga nakadetine pero nanatili pa ring nakakulong ang apat na Koreano sa BI.
Kamakailan lamang ay muling humingi ang suspek ng karagdagang ₱1,600,000 (o ₱400,000 bawat isa) para umano sa pinal na pagpapalaya sa mga detenido, dahilan upang magpasaklolo na ang complainant sa CIDG at ikinasa na ang operasyon.