Nagsasagawa ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng tatlong araw na Risk Management Training upang matulungan ang mga opisyal at kawani nitong matukoy at matugunan ang mga kahinaan sa operasyon bago lumala.
Nagsimula ang pagsasanay noong November 10 at magtatapos ngayong November 12.
Ayon kay MARINA OIC-Deputy Administrator for Education, Training and Certification Engineer Emmanuel B. Carpio, mahalagang bahagi ng responsableng pamamahala ang maagap na pagsusuri at pagbawas sa mga panganib, bukod sa pagsunod sa mga regulasyon.
Kasama sa pagsasanay ang mga praktikal na paraan ng pagkilala sa posibleng problema at pagpili ng angkop na hakbang upang maiwasan o matugunan ito.
Sa huling dalawang araw, nakatakda ring lumahok nang personal at online ang mga director at kinatawan ng mga regional office upang maisulong ang iisang paraan ng risk management sa buong ahensya.