Tapos na ang paghahanda ng Pilipinas para sa ika-49 na ASEAN Summit (November 15 to 17, 2026).
Katunayan ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sabik na ang gobyerno sa pagsisimula ng summit, kung saan tiyak na lalabas ang galing at pagkamalikhain ng mga Pilipino sa pagdaraos ng kaganapan.
Sabi ng Pangulo, isang napakalaking karangalan ang mag-host ng ASEAN Summit.
Lalo’t magandang pagkakataon aniya ito, upang maipakita hindi lamang sa Southeast Asia bagkus sa buong mundo, kung gaano kaganda ang Pilipinas, at kung gaano kahusay ang mga Pilipino.
Kaugnay nito, umaapela na ng pangunawa ang Pangulo sa kaunting abala na mararanasan ng publiko sa mga susunod na araw dahil sa summit.
Pansamantala lamang naman aniya ito.
“Kaunting pasensya lang.” -Pangulong Marcos
Pagsisiguro ni Pangulong Marcos, mas matimbang pa rin ang mga benepisyong matatamasa ng bansa, mula sa mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha bunsod ng kaganapan.
“Ang ating mga hotel at hospitality establishment at lahat ng mga tauhang ito, ang ating mga transport provider at driver, napakaraming vehicle requirement ng ASEAN. Ang mga gumagawa ng mga tarpaulin at iba pang branding materials, at syempre, ang mga souvenir items na mula sa ating mga craftsmen na karamihan ay mga munting negosyo lamang. Sila ay talagang hinahanap at mektikulosong pinili para maipakita ang galing ng Pilipino.” -Pangulong Marcos
Sabi ng pangulo, dahil sa mga summit at related meetings na naganap sa buong bansa ngayong taon, bumuhos ang trabaho para sa mga local industries, maliliit na negosyante, mga maghahabi, mananahi, at mga designer na pinamalas ang kagandahan ng kasuotang Pilipino, mang-aawit, dancer, director, at iba pang nasa creative industry na bumubuo ng programa.
“Saludo po ako sa inyong lahat. Maraming salamat po. Kabilang din ang pagkakataon para sa ating turismo na maengganyo ang mga bisita natin na bumalik at tuklasin pa ang Pilipinas. Sana pagbalik nila rito, ito ay para sa bakasyon na at dala-dala ang kanilang mga kaibigan at ang kanilang mga pamilya.” -Pangulong Marcos.