Nakapagtala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kabuuang P2.814 trilyon sa gross revenue collections mula Enero hanggang Oktubre 2026, na mas mataas ng P149.86 bilyon o 5.63% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, batay sa pinakabagong ulat ng ahensya ngayong Nobyembre 12, 2026.
Para lamang sa buwan ng Oktubre, umabot sa P348.54 bilyon ang kabuuang koleksyon ng kawanihan—mas mataas ng P19.48 bilyon o 5.92% kumpara sa naitalang kita noong Oktubre 2025.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, target ng ahensya na malampasan ang P3-trilyong marka sa koleksyon bago matapos ang Nobyembre habang pinananatili ang tuloy-tuloy na paglago ng kita ngayong taon.
“Inaasahan naming malalampasan ang P3-trilyong marka sa koleksyon ng buwis bago matapos ang Nobyembre at layunin naming mapanatili ang mahigit 5% na paglago kumpara noong nakaraang taon. Patuloy naming paiigtingin ang pagsunod sa pagbabayad ng buwis at poprotektahan ang pinagkukunan ng kita ng pamahalaan habang pinadadali ang proseso para sa mga nagbabayad ng buwis upang matupad ang kanilang mga obligasyon,” pahayag ni Commissioner Mendoza.
Patuloy na pinatatatag ng BIR ang pangongolekta ng buwis sa ilalim ng repormang BIR DARES sa pamamagitan ng mas masusing pagbabantay sa kita, mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa tax evasion at ilegal na kalakalan, at pagpapabuti sa serbisyo para sa mga taxpayer.
Nakaangkla sa tema ng kampanya sa buwis ngayong 2026 na “Mahusay na Serbisyo, Katumbas ng Buwis Mo,” layunin ng BIR na mapanatili ang pagtaas ng koleksyon sa pamamagitan ng paghikayat ng boluntaryong pagsunod ng publiko gamit ang mas maayos na serbisyo, patas na pagtrato, at propesyonalismo.