Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naninindigan ang House prosecution panel na nananatiling matibay ang kanilang mga ebidensya matapos humarap ang ikaapat na testigo sa ika-42 araw ng paglilitis.
Ayon kay impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers, tila nagsilbi pang pabor sa prosekusyon ang pag-upo bilang testigo ni in-house corporate counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay ng GenCorp at Metro city Chow Foods Corp.
Aniya, lalo pang pinagtibay ni Punay ang mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kasong unexplained wealth.
Napansin din ni Barbers ang pagkakatulad ng mga pahayag o ang iisang naratibo ng mga sunod-sunod na testigong nagmula sa Davao, na kadalasang sumasagot ng “hindi ko alam” at “hindi ko matandaan” sa mga tanong.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis, ibinunyag at inamin sa testimonya ni Punay ang “loose investment” ni VP Sara, tumanggap ito ng ₱2.14 milyong periodic return of capital mula sa GenCorp noong taong 2022 hanggang 2025 at sa parehong panahon nanatiling 20% stockholder at board member ng Metro City Chow Foods Corporation sa kabila ng pagiging nakaupong Pangalawang Pangulo—isang bagay na ipinagbabawal ng Konstitusyon.
Itinuturing ni Barbers, na “magandang araw” para sa prosekusyon ang pagdinig dahil unti-unting nagigiba ang mga pahayag ng mga defense witness sa gitna ng masusing cross-examination at mga katanungan mula sa senator-judges.