Iginiit ng Malacañang na hindi maaaring ikumpara ang dinaanan ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansang kapitbahay nito sa Asya sa gitna ng magkakaibang estado ng Gross Domestic Product (GDP) growth ng mga ito.
Tugon ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kasunod ng 2.1 GDP performance ng Pilipinas sa ikatlong bahagi ng 2026.
Pagbibigay-diin ni Castro, hindi nakaranas ng sunod-sunod na pagbaha at malakas na bagyo ang mga kapitbahay na bansa kumpara sa atin na dumaan sa tuloy-tuloy na kalamidad.
Halimbawa na aniya dito ang Singapore na hindi nakakaranas ng malalakas na mga bagyo at ito’y dahil na din sa malapit na distansiya natin sa Pacific Ocean.
Ginagawa naman aniya ng pamahalaan ang lahat lalo na ngayong very strong El Niño habang may mga programang ginagawa din ang gobyerno para mapagaang ang buhay ng ating mga kababayan.