Naka-full alert na ang Manila Electric Company (MERALCO) upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa pagdaraos ng ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong ngayong 2026.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga, na natapos na ang inspeksyon at pagsusuri sa mga pasilidad ng kuryente sa mga lugar na pagdarausan ng summit at iba pang mahahalagang pasilidad sa Pasay, Manila, at Makati.
Nakaposisyon na rin aniya ang mga standby crew, kagamitan, at emergency response team upang mabilis na makatugon sakaling magkaroon ng power interruption o iba pang problema sa kuryente.
Dagdag pa ni Zaldarriaga na nakumpleto na rin ang mga kinakailangang security at access clearance ng mga tauhang itatalaga sa mga summit venue.
Nakikipag-ugnayan din aniya ang Meralco sa Department of Energy (DOE), grid operator, at National Intelligence Coordinating Agency para sa seguridad at katatagan ng suplay ng kuryente.
Tiniyak pa ng MERALCO na may nakahandang contingency plans upang maiwasan ang pagkaantala ng serbisyo habang ginaganap ang ASEAN Summit.