Kinuwestiyon ni Senate President Sherwin Gatchalian ang posibleng conflict of interest sa pagbabayad ng GenCorp ng tinatayang ₱2.1-million kay Vice President Sara Duterte habang ang kompanya ay mayroon ding 19 kontrata sa Davao City government mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Gatchalian, nagtataka siya kung bakit GenCorp ang nagbabalik ng tinawag na “loose investment” ni VP Sara, gayong ang Times Square Food Corporation na ang nagpapatakbo sa Jollibee Times Square nang makuha ang naturang investment.
Kinuwestiyon din niya ang pagkakaugnay ni VP Sara sa GenCorp na nagsusuplay ng pagkain sa Davao City government sa pamamagitan ng Bolton branch.
Sinabi naman ng corporate counsel na si Atty. Suzette Balucanag-Punay na wala siyang nakikitang conflict of interest dahil hindi bahagi ng lokal na pamahalaan ang bise presidente. Pinunto naman ng semate president na kapatid ni VP Sara ang alkalde ng Davao City na si Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte. Kinuwestiyon niya ang buwan-buwang magkakaibang halaga ng mga bayad na binibigay kay VP Sara at ang kawalan ng kontratang magpapaliwanag sa mga ito.
Gayunman, sinabi ni Punay na wala siyang personal na kaalaman sa pagkukuwenta ng mga bayad at kung paano ito itinala sa libro ng GenCorp dahil hawak ito ng accounting department ng kompanya.