Pinalakas pa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kanilang operasyon kontra smuggling at agricultural economic sabotage sa buong bansa.
Ito’y makaraang masabat sa ikinasang operasyon ang nasa 1,120 master cases ng mga iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱78 milyong piso at nasa 635 na kahon ng mga hindi rehistradong vape products na nagkakahalaga ng ₱82 milyong piso sa Malabon City.
Pinangunahan ng CIDG Regional Field Unit 4A Special Operations Team ang nasabing pagsalakay katuwang ang Malabon City Police Office at Department of Trade and Industry (DTI) sa Circumferential Road, Araneta Village sa Brgy. Potrero.
Huli sa aktong nagbebenta at namamahagi ng mga hindi rehistradong sigarilyo ang Chinse national na kinilala lamang sa alyas na “Ching” at narekober din sa operasyon ang dalawang unit ng truck na ginagamit sa pagbiyahe ng mga kontrabando.
Sa isinagawang follow-up operation, nadiskubre ng mga awtoridad ang 635 kahon ng mga vape products na nagkakahalaga ng ₱82 milyong piso.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II na ipaghaharap ang naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 12022 o ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.”

