Umakyat pa sa halos ₱290 milyon ang halaga ng tulong na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng El Niño sa bansa.
Kabilang sa ipinamamahagi ang family food packs gayundin ang emergency cash transfer sa mga komunidad na tinamaan ng matinding tagtuyot
Sa Isabela, pinangasiwaan ng DSWD Field Office 2 ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer o ECT sa mga apektadong pamilya.
Nagsagawa rin ang DSWD CALABARZON ng mga pagsusuri sa mga lugar na posibleng mapagsagawaan ng Cash-for-Work program, kabilang ang Jomalig at General Nakar sa Quezon.
Tiniyak naman ng ahensya na may nakahandang pondo at relief supplies para sa mga posibleng mangailangan ng karagdagang tulong.
Kabilang dito ang mahigit ₱91-milyon Quick Response Fund mula sa DSWD Central Office at mga regional office, bukod pa sa mahigit ₱29-milyon nakalaan sa iba pang tanggapan ng ahensya.
Mayroon ding mahigit limang milyong Family Food Packs na nakahanda sa iba’t ibang Disaster Resource Centers at DSWD field offices, gayundin ang mahigit ₱1.4-bilyong halaga ng iba pang food at non-food items para sa mga apektadong pamilya.
Sa pinakahuling datos, nasa 193,365 pamilya o katumbas ng 492,544 na indibidwal ang naapektuhan ng El Niño sa 2,212 barangay sa Regions 2, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Region 12 at Caraga.