Inatasan ni Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda ang mga kinauukulang tanggapan ng Hudikatura na makipag-ugnayan sa pamilya ng hukom na pinaslang sa Zamboanga at tiyaking maibibigay ang kinakailangang tulong sa mga ito.
Nakikipagtulungan din ang Supreme Court sa mga awtoridad upang mapabilis ang imbestigasyon.
Matatandaan na kahapon tinambangan at nagresulta sa pagkamatay ng isang hukom mula sa Basilan matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang nagmamaneho sa Zamboanga City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Isabela City, Basilan Regional Trial Court Branch 2 Presiding Judge Joseph Wee Sit.
Nangyari ang pamamaril bandang alas-5:25 ng umaga sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga.
Papunta sana ang hukom sa pantalan upang sumakay ng barko patungong Isabela City nang pagbabarilin siya ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo.
Nagtamo ng mga tama ng bala si Sit at idineklarang patay sa ospital bandang alas-6:30 ng umaga.
Bumuo na ang Zamboanga City Police Office ng Special Investigation and Task Group at sinusuri ang mga kuha ng CCTV upang matukoy ang mga responsable.