Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ipatutupad nila ang Maximum Tolerance sa lahat ng mga magsasagawa ng kilos-protesta para sa gaganaping 49th ASEAN Summit.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Allen Rae Co, bagamat inirerespeto at iginagalang nila ang mga nais iparating ng mga raliyista sa isasagawang Summit ay may limitasyon pa rin ang kanilang mga isasagawang kilos-protesta.
Aniya kung magre-resulta na sa isa pang uri ng krimen gayundin ang infringement sa karapatan ng isa pang indibidwal o grupo ang mga isasagawang protesta ay dito na aakto ang PNP.
Dagdag pa nito na kung magiging umpisa na rin ito ng pinsala sa kapayapaan at kaayusan ng isang lugar o komunidad ay hindi na ito palalagpasin ng Pambansang Pulisya.
Dagdag pa ng PNP na hindi rin sila magsisimula o mag-uudyok ng gulo sa mga magsasagawa ng kilos-protesta.
Dahil wala namang designated areas na inilaan para sa mga kilos-protesta at iba pang kahalintulad na programa, panawagan ng PNP na gawin na lang ang mga ito sa mga freedom park.