Inakusahan ng prosekusyon ang kampo ng depensa ni Vice President Sara Duterte na gamitin umano ang mga testimonya tungkol sa mga bayarin sa restaurant at pagbili ng sapatos, upang ilihis ang atensyon mula sa bilyon-bilyong pisong transaksyong pinansyal at daan-daang milyong pisong umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na dapat hamunin ng depensa ang pinakamatitibay na ebidensyang pinansyal ng prosekusyon sa halip na magtuon sa maliliit na gastusin na kinasasangkutan ng asawa ni VP Sara na si Atty.Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay Chua, ang mga testigong iniharap ng depensa para sa mga gastos na umaabot sa mahigit ₱200,000 sa pagkain at ₱250,000 sa sapatos ay para makakuha lamang ng simpatiya ng publiko.
Kinuwestiyon ni Chua kung bakit hindi nagharap ang depensa ng mga testigo o ebidensyang direktang sumasagot sa findings ng expert witness na umano’y undeclared wealth na nasa mahigit ₱800 million.