Bagamat mas lantad umano ang mga paglabag sa sub judice rule sa panig ni Vice President Sara Duterte, pinili ng House prosecution panel na huwag nang ituon dito ang pansin upang hindi madiskaril ang presentasyon ng mga ebidensya ng depensa at ang nagpapatuloy na cross-examination.
Ito ang naging tugon ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville “Jinky” Luistro kaugnay sa naging manifestation ng depensa sa impeachment court tungkol sa umano’y mga paglabag ng prosekusyon sa sub judice rule.
Ayon kay Luistro, kung susuriin ang sitwasyon, mas apparent o malinaw ang paglabag ng Bise Presidente sa naturang patakaran.
Gayunpaman, mas pinili ng kanilang panig na huwag nang maabala.
Dagdag pa ni Luistro, pinag-aaralan pa nila kung magsusumite sila ng pormal na written manifestation sa impeachment court upang ipaalam ang mga paglabag ni VP Sara sa mga panuntunan ng impeachment, bagamat wala pa silang pinal na desisyon ukol dito.
Sa ngayon, giit ng lead prosecutor, nananatili ang kanilang pokus na ituloy-tuloy ang kanilang pagbusisi sa mga testigong ihaharap ng depensa.