Upang palakasin ang aviation safety sa bansa, matagumpay na idinaos ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang kauna-unahang Aerodrome and Air Navigation Service Safety Oversight Safety Summit 2026 sa Pasay City.
May temang “Advancing Aviation Safety through effective oversight, collaboration and innovation,” itinampok sa dalawang araw na summit ang mga talakayan ukol sa pagpapabuti ng mga pamantayan at kaligtasan sa mga paliparan at nabigasyon panghimpapawid.
Ayon kay CAAP Director General retired Lieutenant General Raul Del Rosario, napakahalaga ng mahigpit na ugnayan sa pagitan ng mga stakeholders at industry partners upang matiyak na ligtas at maayos ang pagpapatakbo ng trapiko at galaw ng mga eroplano patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kanilang gampanin bilang tagapagbantay at tagatakda ng mga pamantayan upang masigurong ang mga operasyon ng aerodrome at air navigation groups sa Pilipinas ay nasa parehong antas ng mga pandaigdigang pamantayan o international standards.
Samantala, naiulat din na nakipag-ugnayan ang CAAP sa Department of Transportation (DOTr) upang pangasiwaan ang pagdating at pag-alis ng mga imbitadong lider at delegado—partikular ang mga may sariling eroplano—para sa nagpapatuloy na 49th ASEAN Summit.
Inaasahang magbubunga ang naturang pagtitipon ng mas matibay na kooperasyon at pagpapatibay ng kultura ng kaligtasan sa buong sektor ng abyasyon sa bansa.