Pinangangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Presidential Communications Office (PCO) at ASEAN National Organizing Council ang opisyal na pagbubukas ng International Media Center (IMC) para sa 2026 ASEAN Summit, ngayong araw (November 13).
Ayon kay ASEAN National Organizing Council Director General for Operations Hellen de la Vega, mas mataas ang antas ng paghahanda ngayong summit dahil isa ito sa pinakamahalagang pagtitipon sa ilalim ng Chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
Pinuri din nito ang lahat ng naging bahagi sa paghahandang ito, lalo’t kita aniya ang pagiging world class ng lahat ng pasilidad na pagdarausan ng summit.
Sabi ng opisyal, bawat istorya na lalabas sa IMC, magiging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon naman kay PCO Secretary Lino Cayetano, ang media center magsisilbing bintana ng Pilipinas sa international community.
Hinikayat ng kalihim ang local at foreign media na bisitahin ang mga booth na nagpapakita ng mga produktong Pinoy na partikular na pinili para itampok sa summit.
Kabilang dito ang kape, batirol, at coconut juice.
Tampok din sa pasilidad ang hilot, para ibida ang serbisyong ito sa linya ng wellness; Souvenir products at mga likha ng micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Ang pagsisiguro ni Secretary Cayetano, handa ang PCO at iba pang ahensya ng pamahalaan na tumulong sa kanilang coverage ng media.
Samantala, ibinida naman ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay ang mga lokal na produkto, pagkain, kultura, at tourism destination ng Pilipinas bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Marcos na gamitin ang ASEAN chairmanship upang ipakilala ang bansa sa mga international delegate.
Ipinakita rin sa media center ang mga tourism destination ng bansa, kabilang ang mga white sand beach at diving sites.
Habang naghanda rin ang Tourism Department ng live entertainment at cultural presentations, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. naka-livestream aniya ito, upang mapanood ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.