Naglabas ng warrant of arrest at Hold Departure Order ang Regional Trial Court ng Makati City laban kay Pastor Apollo Carreon Quiboloy at dalawa pang kasama kaugnay ng extradition petition na inihain ng gobyerno ng Estados Unidos.
Ayon sa Department of Justice o DOJ, inilabas ng Makati RTC Branch 145 ang mga kautusan noong Nobyembre 12 matapos makakita ang korte ng probable cause sa extradition case laban kina Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan, at Helen Panilag.
Nauna nang inihain ng DOJ noong Nobyembre 9 ang extradition petition sa ngalan ng gobyerno ng Amerika.
Layunin ng warrant of arrest na maiharap ang tatlo sa extradition proceedings, habang ang Hold Departure Order ay para pigilan silang makalabas ng bansa.
Sa ilalim ng Rules on Extradition Proceedings, kapag naipatupad na ang pag-aresto, personal na ibibigay sa mga respondent ang summons at kopya ng petisyon.
Bibigyan naman sila ng 15 araw mula sa pagtanggap ng summons upang magsumite ng kanilang beripikadong sagot sa korte.
Tiniyak ng DOJ na magbibigay ito ng karagdagang impormasyon sa publiko sa sandaling magkaroon ng bagong development sa kaso.