Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pananambang sa Presiding Judge ng Basilan Regional Trial Court na si Joseph Wee Sit sa Zamboanga City, kahapon.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pinaigting na manhunt operation laban sa mga salarin sa krimen gayundin ang pagtitiyak na mapananagot ang mga ito sa batas.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan ng dalawang salaring sakay ng motorsiklo ang sasakyan ng biktima sa Tumaga-Putik Road sa Brgy. Tumaga at saka nagpaulan ng bala, dahilan upang magtamo ito ng malubhang sugat sa katawan.
Agad tumakas ang mga salarin patungong Tumaga Bypass Road habang dinala sa ospital ang biktima subalit hindi na umabot pa ng buhay.
Una rito, agad bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office 9 para pangunahan ang mabilis, masusi at patas na imbestigasyon.
Inatasan din ni Nartatez ang mga kinauukulang yunit ng Pulisya na paigtinign ang operasyon para matunton ang mga suspek at dalhin ang mag ito sa kamay ng batas.