Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naghain si Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senador Raffy Tulfo ng resolusyon para imbestigahan ang panukala ng Bureau of Immigration (BI) na magpataw ng ₱240 na border fee sa lahat ng Pilipinong bibiyahe palabas ng bansa, kabilang ang mga overseas Filipino worker (OFWs).
Sa Senate Resolution No. 772, nagpahayag ng pangamba si Tulfo na dagdag-pasanin ang mungkahi sa halos dalawang milyong OFWs na tinatawag na Balik-Manggagawa, na muling umaalis ng bansa matapos magbakasyon o mag-renew ng kontrata sa trabaho.
Ayon sa Bureau of Immigration, gagamitin ang koleksiyon para pondohan ang ₱10.7 billion integrated border security platform na ikakabit sa 11 paliparan at iba pang border crossings sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Tulfo na nananatiling dagdag-gastos ito para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa BI, ipinaliwanag na nasa yugto pa lamang ng negosasyon ang panukala at wala pang pinal na desisyon. Nangako rin ang ahensya na kokonsulta muna sa Department of Migrant Workers (DMW) bago ito ipatupad.
Ipinahayag rin ni Tulfo na makikipag ugnayan siya sa Department of Justice (DOJ) para alamin kung bakit hindi magamit ang pondong inilaan sa modernisasyon ng ahensya sa pagpapahusay ng immigration security systems, sa halip na ipasa ang dagdag-gastos sa mga biyahero.