Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na bigyang-prayoridad ang pagtugon sa mga pangunahing hamon sa sektor ng edukasyon sa rehiyon.
Tiniyak din ng senador sa mga miyembro ng Bangsamoro Parliament ang suporta ng Senado sa pagsusulong ng mga reporma para mapabuti ang kalidad ng edukasyon.
Batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa 64.7 percent lang ang functional literacy rate sa BARMM.
Nasa 49.44% naman ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 ang kabilang sa low emerging readers o may mababang antas ng kakayahan sa pagbasa.
Naitala rin sa rehiyon ang pinakamataas na prevalence ng stunting sa mga batang wala pang limang taong gulang na 34.3% gayundin ang pinakamataas na antas ng moderate-to-severe household food insecurity sa bansa na 48.2%.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang matugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto para matiyak na hindi mapag-iiwanan ang mga kabataan sa BARMM at magkaroon sila ng pagkakataong maging bahagi ng pag-unlad at pamumuno sa rehiyon.
Binigyang-diin ng senate president na mahalaga ang pagpapabuti sa edukasyon kasabay ng pagsusulong ng kapayapaan at pangmatagalang kaunlaran sa Bangsamoro region.