Nasa kamay na ng korte ang pagpapasya kung pagbibigyan ang kahilingan ng Estados Unidos na i-extradite o ipadala sa Amerika si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang binigyang-diin ni Justice Secretary Frederick Vida matapos ihain ng DOJ sa Makati Regional Trial Court ang petition for extradition laban sa pastor.
Layunin ng kahilingan na maiharap si Quiboloy sa Amerika upang harapin ang mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.
Tiniyak naman ni Vida na hindi dapat matagalan ang pag-usad ng petisyon dahil may umiiral na mga panuntunan ang Korte Suprema na gumagabay sa proseso ng extradition.
Samantala, hindi muna nagbigay ng posisyon ang kalihim kung dapat bang isantabi ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa Pilipinas, partikular ang hiwalay na kasong qualified human trafficking at iba pa na nakabinbin sa Pasig Regional Trial Court.