Nagbabala ang Department of Public Works and Highways o DPWH na hindi palalampasin ang kapabayaan ng mga opisyal nito sa pagpapanatili ng maayos na mga kalsada, tulay at iba pang imprastraktura sa bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga imprastraktura, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Sa memorandum na inilabas ni DPWH Secretary Banoy Lopez, inatasan ang mga regional director at district engineer na magsagawa mismo ng inspeksiyon sa kanilang mga nasasakupan.
Nagbabala rin ang kalihim na maaaring patawan ng administrative o disciplinary action ang mga opisyal na mabibigong gampanan ang kanilang tungkulin.
Inatasan din ang mga ito na magsumite ng buwanang monitoring report tungkol sa mga sirang kalsada at tulay upang matiyak na agad na maaaksyunan at maaayos ang mga ito.
Layon ng hakbang na maiwasan ang mga aksidente at disgrasya na maaaring idulot ng mga sirang imprastraktura sa mga motorista.