Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 11616 o ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang kapangyarihan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Ayon kay Albay Rep. Adrian Salceda na co-author ng bill, layon nitong amyendahan ang Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines upang matugunan ang mga paglabag sa IP, kapwa sa mga pisikal na establisyimento at digital na plataporma.
Binanggit din ni Salceda ang masamang epekto ng pamimirata at pamemeke sa mga Pilipinong creator, negosyante, at mamumuhunan.
Sa ilalim ng inaprubahang bersyon, bibigyan ang IPOPHL ng mas malakas na kapangyarihang magpatupad, mag-imbestiga, mag-inspection, at magrekomenda ng pagkansela ng mga permit sa negosyo o lisensya ng mga lumalabag.
Itataas din ang multa sa mga lalabag ng ₱1 milyon, kasama ang karagdagang multa na hindi mababa sa ₱10,000 para sa bawat araw ng tuloy-tuloy na paglabag.
Upang masugpo ang online piracy, binibigyan din ng kapangyarihan ang IPOPHL na i-block ang mga online site o lokasyon na pangunahing sangkot o nagpapadali ng paglabag sa copyright.
Ayon kay Salceda, ang hakbang na ito ay magbibigay sa mga Pilipinong creator at negosyante ng mas malaking kumpiyansa na mamuhunan sa kanilang mga likha at ipagpatuloy ang mga susunod na proyekto.