Walang magiging epekto sa mga pumapasok na pamumuhunan sa Pilipinas ang pinakahuling paggalaw sa liderato ng ilang government office, tulad ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).
“His mandate is simple: To make things easier for honest taxpayers, tougher on those who evade. Mas madaling proseso para sa nagbabayad nang tama, mas mahigpit na pagpapatupad laban sa umiiwas.” —Castro
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, kahit kasi mapalitan ang pinuno ng mga government office, hindi tumitigil sa operasyon ang mga tanggapang iniiwan ng mga ito.
Aniya, kahit dalawang taon na lamang ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sinisiguro ng Pangulo na maitatalaga sa pwesto ang mga tamang tao.
“Nakikita ng Pangulo kung sino iyong mga taong nararapat na makasama at manatili sa administrasyon, nakikita niya kung ano iyong kanilang mga potensiyal.” —Castro
Para aniya ito sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyong ibinibigay ng gobyerno sa mga Pilipino.
“Maaaring wala na sa gobyerno ngayon at sa administrasyon maaaring hindi nila naabot ang expectation ng Pangulo – sa mga wala na sa posisyon. Pero kapag ang isang leader or isang head ng agency ay nailipat sa ibang ahensiya hindi ibig sabihin na siya ay nawalan ng tiwala dahil mas lalong pagpupursigihan noong na-appoint sa bagong posisyon na dapat niya pang ipakita ang kaniyang kagalingan dahil magaling ka sa isang puwesto, mas kailangan ka pa sa isang puwestong ito para mas mapabuti ang isang ahensiya.” —Castro
Samantala, ngayong araw inanunsiyo ng Palasyo ang pagkakatalaga kay Commission on Audit Chair Gamaliel Asis Cordoba, bilang ika-196 na associate justice ng Korte Suprema.
“Cordoba joins the high tribunal after more than two decades of public service, most recently as chairperson of COA – the country’s independent constitutional body for the state audit.” -Castro
Papalitan nito si Associate Justice Amy Lazaro Javier na magre-retiro sa ika-16 ng Nobyembre.